Thursday, September 3, 2009

Larawan ng Makabagong Kabataan ni Maria Casandra Dimaranan


Ako ay larawan ng makabagong kabataang Pilipino. Sa aking murang ugat ay nanalaytay ang dugong bughaw, marangal, magiliw at mapagmahal sa Diyos. Sa aking diwa ay nakatala ang ginagawang pakikihimok ng mga nauna sa akin. Paghihimok upang makamit ang layong hangad ng bawat bansang mapagmahal sa dangal ng lahi. Sa aking gunita ay naroon ang hirap tiniis ng maraming ina , nang ang kanilang mahal ay maghandog ng buhay matamo lamang ang ginhawang dapat madama ng bayang nais lumigaya. Sa taimtim,walang pagkukunwari,dalisay. Ang aking mga bisig ay matipuno at nasa lupa ng aking bayan. Sa aking balat nakatatak ang lupa. Kayumanggi ang kulay,sunog na araw ngunit may gintong kislap ng pagasa. Ako ang nagtataglay sa aking katauhan ng tatak makabagong kabataang Pilipino.

Naparito ako upang gunitain ang nakaraan ng aking pagkatao. Kung paano ko narating ang kinalalagyan ko ngayon na maituturing na pedestal ng karangalan. Kung papaano ko nalinang sa aking isipan na ang bayan ko mahalagang pook na tagpuan ng mga kaisipan. Kung paanong ako ay maituturing na biyaya ng makabagong panahon.

Ako ang kabataang Pilipino ay nakiisa upang mapabilang sa mag-anak na Pilipino. Hawak-kamay kaming bumangon upang tumulong sa tagumpay ng kinabukasan. Salamat sa pakikiisang ito at nagbagong-bihis ang perlas ng silangan. Salamat sa pakikiisa ng puso sa puso at diwa sa diwa, ng mag-anak at ako ay naging ganap na makabagong Pilipino na may dangal sa Silangan.

No comments:

Post a Comment